Online Journal 1: Repleksyon sa Tula ni Jess Santiago

Anna Daniella Ramirez
2 min readOct 7, 2020

--

Ang tula ay isang anyo ng sining o panitikan kung saan naipahihiwatig ng manunulat ang kanyang mensahe sa pamamagitan ng mga piling salita na maaring simbolismo o kaya naman mga simpleng salitang may nakatagong mas malalim pang kahulugan. Sa malayang pagsulat ay naipahahayag ng manunulat ang kanyang layunin at damdamin. Hindi lahat ng tula ay tumatatak sa ating isipan ngunit sa tulang, “Kung ang Tula ay Isa Lamang” ay mapaiisip na agad ang mambabasa sa unang linyang pa lamang nito. Ano nga ba kung ang tula ay isa lamang pumpon ng mga salita?

Sa tula ni Jess Santiago na, “Kung ang Tula ay Isa Lamang” ay makikita sa mga linyang, “kung ang tula ay isa lamang pumpon ng mga salita, nanaisin ko pang ako’y bigyan ng isang taling kangkong dili kaya’y isang bungkos ng mga talbos ng kamote na pinupol sa kung aling pusalian o inumit sa bilao ng kung sinong maggugulay” na mas pipiliin ng persona na kumain na lamang ng kangkong o talbos ng kamote na kung saan-saan lamang tumutubo at nakikita sa halip na tumangkilik ng mga tulang walang mensaheng nais ipabatid. Kayang busugin ng mga simpleng gulay na ito ang gutom ng tiyan, ngunit hindi kalianman mabubusog ng mga nasabing tulang walang layunin ang gutom ng utak. Dagdag pa sa puntong ito ni Santiago ang bahagi ng tula na, “pagkat ako’y nagugutom at ang bituka’y walang ilong, walang mata.” Sa bahaging ito ng tula, ang persona ay nagsasabing siya ay gutom sa sining na may nilalamang impormasyong may kaalaman at layunin at na hindi ito matutugunan ng paggamit lamang ng mga mababango at magagarbong salita sa isang tula.

Sa panahon ngayon, ang boses lamang ng mga umiibabaw ang naririnig. Ang boses ng ating manggagawa at simpleng mamamayan ay natatabunan ng malalakas na halakhak ng mga pulitiko at kapitalista. Ito ang pahayag ng linyang, “Malaon nang pinamanhid ng dalita ang panlasa.” Nais ipahiwatig ni Santiago na mas mainam kung ang panitikan ay may silbi sa lipunang nagluwal dito. Ang makata ng ating inang-bayan ay dapat nagbibigay boses sa nangangailangan. Sila ang nararapat na magsilbing instumento upang mabuksan ang mata ng masa sa mga isyu sa ating lipunan na hindi pa gaanong natatalakay at nabibigyang pansin.

Nakatutulong man ang karaniwang porma ng isang tula sa pagiging malikhain at masining pakinggan nito ngunit hindi ito ang dapat mamayani. Mas dapat tuunan ng pansin ang mensaheng nais ipabatid ng mga tulang ito sapagkat ito ang mas tatatak sa isipan ng mga mambabasa. Ang persona ay hindi sang-ayon sa “art for art’s sake” dahil naniniwala siyang ang tula ay hindi lamang pumpon ng salita. Naniniwala siyang ang tula ay may kakayahang maglaman ng paksang may kahulugan na mas malalim pa sa pangkariniwan na maaring makita sa antas na ibabaw.

--

--

Anna Daniella Ramirez

Hinding-hindi magpapasakal sa boses ng isipan.