Online Journal 2: “Animalia ni
Wilfredo Pascual”

Anna Daniella Ramirez
3 min readJun 29, 2021

--

Ang “Animalia” ni Wilfredo Pascual ay isang sanaysay ayon sa paglalarawan ng may akda ng mga pangyayari sa kanyang buhay mula sa pagkabata hanggang sa kasalukuyan. Sa kanyang paglalahad ng mga pangyayari sa kanyang buhay, kakikitaan ng masusing paglalarawan ng mga hayop at mga gawi nito. Ito ay inuugnay ng may akda sa tao, kanyang gawi, at paraan ng pamumuhay.

Sinimulan ng may akda ang sanaysay sa isang insidente kung saan nasaksihan niya kung paano hinuli at pinatay ang mga paniking pumasok sa kanilang bahay. Nakitaan ng matinding takot ang may akda at ang kaniyang buong pamilya ngunit hindi ang pagpatay sa mga paniki kadahilanan nito. Ito ay sa kung paano ang mga paniki ay may kakayahang makarinig ng mga tunog impit man o malakas. Inihalintulad niya ito sa mga sikreto sa buhay na akala natin ay mananatiling lihim pero ang katotohanan ay walang lihim na di nabubunyag. Walang kwentong hindi umaalingawngaw lalo na at ito ay hitik sa laman gaya ng impit na mga tunog na kayang marinig ng isang paniki.

Maari nating sabihin na ang buhay ng may akda at ang kanyang paglalakbay ay makulay, makapanindig balahibo, at kapanapanabik. Isang halimbawa nito ay ang paglalahad niya ng kanyang unang karanasang sekswal. Iniugnay niya ito sa pangalawang hayop — ang tilapia. Napakahusay ng paglilipat niya ng kaisipan at pag-uugnay sa katangian ng naturang tilapia (kakayahang magkaroon ng pagpapalit ng seks) sa kanyang unang karanasan sa larangan ng kamunduhan. Kung paanong iniugnay niya ito sa sariling sekswalidad ay makikita sa dahan-dahang paglalarawan ng may akda sa kanyang pagkamulat sa kung ano siya at kung ano ang kanyang “sexual orientation”. Tila may pagtitimpi at pag-iingat ang pagsasalaysay ng may akda sa mga sumunod na pangyayari ngunit kakikitaan ng kagalingan sa paglalarawan ng taong tila nakabighani sa kanya. HIndi maikakaila sa mga detalyadong paglalarawan kay JB ang mga sekswal na pahiwatig tulad ng

“He had smooth, dark skin. His chest glistened, his biceps looked like the solid muscle of a fish struggling against my grip”.

At sa puntong ito ipinaalam ng may akda ang simula ng kanyang pagkamulat sa mga bagay na may kinalaman sa sekswalidad sa paglalarawan nya sa pagkain ng tilapia.

“JB turned to me and offered the transgendered tilapia. Our eyes met. I did not even look at the fish as I tore a piece of its steaming flesh and tasted it.”

Naaayon ang paggamit ng may akda sa first person point view sa sanaysay. Mas pinatingkad ng ganitong paraan ang mga maikling kwentong nakapaloob sa sanaysay. Wala na sigurong mas epektibo pang paraan upang mailahad ng isang tao ang kanyang mga karanasan kung hindi sa ganitong paraan. Nagawa ng may akdang ibahagi ang kanyang sarili at ang kanyang mga pinagdaanan kaakibat na ang paglinang sa kanyang karakter sa sanaysay. Ang mga napiling hayop sa sanaysay ay kumakatawan ng mga pili ngunit tumatatak na pangyayari sa kanyang buhay o mga taong tila tumatak sa kanyang pagkatao. Tulad na lamang ng kanyang ama kung saan ang kwento nito ay iniugnay sa kanyang aso. Ngunit sa pagkakataong ito tila ang paghahambing ay umiikot sa mga kasalungat ng kanilang gawi. Ang aso ay sinasabing matapat, mapagmahal, mabangis ngunit may pag-aaruga. Kasalungat ito ng kanyang ama na inilarawan na mahirap mahalin.

“With my father’s dog, it was easier — but with my father, love in its most mysterious way was a harder lesson to learn.

Tila ba nagpapahiwatig na di maipaliwanag na sigalot, maaring ito ay sa kadahilanan ng kanilang pagkakaiba ng pananaw sa kasarian. Ngunit sa huli kapag ang tao ay nalalapit na sa hangganan ng kanyang buhay, parang nagiging asal hayop. Kapag nawala na ang lahat ng ating kapasidad upang makipagtalastasan, ang tao ay singliit at sing baba ng mga hayop. Ang tao at ang hayop hindi man magkauri ngunit may ugnayan, may kahalintulad na mga gawi at katangian. Kung papaanong sa mga pagkakataon ang tao at hayop ay nagiging isa, yan ang misteryo ng buhay.

--

--

Anna Daniella Ramirez

Hinding-hindi magpapasakal sa boses ng isipan.