Online Journal 2: Pagsusuri sa Tula ni Carlos Piocos
--
Ang tulang “Pangkaraniwang Lungkot” ni Carlos Piocos III ay tungkol sa isang sundalong matagal nang nawalay sa kanyang minamahal sa buhay. Inilarawan nya ang mga pinagdadaanan niyang sakit at pighati sa gitna ng isang digmaang hindi tiyak ang kahihinatnan. Sa tula mababatid ang mga agam-agam at ang labis na pag-aalala kung siya ba ay mabubuhay pa at makaliligtas sa isang dimaang kanyang nasadlakan.
Hindi naging madali ang pagtukoy sa persona ng tula. Maraming beses ko binasa ito upang matiyak sa aking sarili kung sino siya. Naging tiyak lamang ako dahil sa mga saknong na tila tumutukoy sa isang gulo o giyera.
“nilamon ng hamog at usok. Na binubura ng takot,
gutom at tutok ng baril ang buong lungsod.
Na naulol ang historyador sa pagbibilang ng mga lumulutang na katawan.”
Sinimulan ng may akda ang tula na tila isang liham na isinusulat ng persona para sa isang taong malapit sa kanya. Maaring ito ay para sa kaniyang kasintahan o kapamilya. Ang liham na ito ay para bang isang pamamaalam.
Marahil ito na ang aking huling liham.
Pagkatapos mo itong mabasa,
mangyari lamang na ito’y lamukusi’t bilutin
at saka ilublob sa lalim ng ilog
nang ito’y matunaw, magsatubig at umagos.
Batid ng persona na ang liham na ito ay maaring magdulot ng matinding lungkot at sakit sa magbabasa na magbubunsod sa kaniya upang lamukusin ang liham sa tindi ng sakit na idudulot nito. Sa pagbibigay niya ng permisong gawin ito, tila sinasabi niyang “ok lang, naiintindihan ko”.
Inilarawan ng persona ang kaniyang katauhan sa tula gamit ang mga alaalang naiwan sa kaniyang isip. Ito ay mga bagay na nagsasabing buhay pa siya at narito pa siya sa gitna ng kaguluhan. Ang mga alaalang ito ay halu-halong saya at lungkot, buhay, pag-ibig at pag-asa. Nailarawan ito sa pamamagitan ng:
lukot-lukot na ulap (kalungkutan), isang itim na balahibo ng uwak (kamatayan), isang pinggang may pingas sa labi (digmaan o sumasagisag sa kanyang pagkaduhagi “broken spirit”), larawan ng matandang simbahan (relihiyon o pananampalataya), tatlong itinuping bulaklak (pag-ibig na itinatangi, iniingatan), at isang pares ng natuyong pakpak ng paruparo (pag-asa).
Dahil rito, matutukoy na ang taong ito ay may paninindigan at naniniwala sa Diyos, umiibig, at higit sa lahat umaasa ngunit isa rin siyang ordinaryong taong may mga makamundong pagnanasa.
“Maayos naman ako. Kahit na sa kalaliman ng gabi,
gabigabi, ay dinadalaw ako ng matinding sikat ng liwanag at isang mabangis
na anghel sa tatlong pangalan: Labis-Labis na Alindog, Labis-Labis na Pusok,
Labis-Labis na Libog.”
Sa gitna ng digmaan, nakukuha parin niyang magnasa sa kaniyang iniibig. Ito ay maaaring hinabi mula sa mga guni-guni ng matinding pagnanasang muling makapiling ang nililiyag. Ito ang idinudulot ng digmaan sa isang kaukuwang pinipilit umasa na sa huli uuwi siya at makapipiling ang kaniyang mahal sa buhay.
Ang tula ay pinamagatang “Pangkaraniwang Lungkot”, ito ay payak ngunit mapanlinlang na pananalita dahil ang buong tula ay hindi madaling maintindihan. Pinaghalong simple at kumplikado, mula sa paggamit ng anyong sulat ngunit ang laman ay mas higit pa sa isang pamamaalam. Inilarawan sa tula ang pangit na mukha ng digmaan. Hindi lang ito sumisira sa isang bansa kundi rin sa mga taong bahagi at pangunahing naaapektuhan nito. Ang digmaan ay hindi lamang sumisira sa pisikal na mundo, sumisira rin ito sa katauhan ng tao.
“Nililimas niya ang lahat ng kanyang mahawakan, mula sa aking antok,
pawis, panis na laway, tsinelas at saplot, maging ang aking alaala
at bungang-tulog ay sapilitan niyang kinukumpiska’t isinasalin sa wikang
tanging mga kuliglig lamang at gagamba ang nakapapangusap.”
Mapanira ang digmaan at kapag ito ay isinalarawan sa pamamagitan ng salita, hindi ito kaagad naiintindihan ng tao. Paano mo ipaliliwanag na may magandang dulot ang digmaan sa isang inang nawalang ng anak o sa mga batang nawalan hindi lang ng tahanan kundi rin magulang? Sa ganitong mga sitwasyon, mas madaling makita na ang digmaan ay mapanira at tanging puot at galing ang lamang ang binibigay nito. Inihalintulad ng may akda ang pangkaraniwang lungkot sa isang digmaan at ang epekto nito sa tao. Ordinaryo bang lungkot ang dulot nito? Sa palagay ko ay hindi. Gaya ng tula, hindi madaling maunawaan ang digmaan. Sa huli, ang tulang ito ay tiyak na tumatak sa aking isipan. Ito ay nag-iwan ng matinding kalungkutang hindi ko malilimutan.