Online Journal 3: Pagsusuri sa Tula ni Amado V. Hernandez
--
Ang tula ni Amado V. Hernandez na “Kung Tuyo na ang Luha mo, Aking Bayan” ay nagpapahayag ng paghihirap na dinanas ng ating bansa mula sa mga dayuhang sumakop sa atin noon. Maaari itong magsisilbing paalala sa atin sa lahat ng pang-aapi, pananamantala, pati na rin sa kawalan ng katarungang dinananas ng ating mga ninuno. Sa pagbasa ng tulang ito ay masasabi na ang persona ay isang taong higit na nagmamahal sa kanyang bansa.
“Lumuha ka, aking Bayan; buong lungkot mong iluha
Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa: “
“Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
Sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libingan;”
“Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
Na sa iyo’y pampahirap, sa banyaga’y pampalusog:”
“Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
Kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,”
Sa unang linya ng bawat saknong ay mapapansin ang isang malinaw na mensaheng nais iparating sa atin ng persona. Lumuha ka. Damdamin mo ang lahat ng sakit at pait na nariyan. Kailangang maramdaman at namnamin ang lahat ng sakit sapagkat naniniwala ang persona na darating ang panahon na ang lahat ng luhang ipinatak at ipapatak ng mga Pilipino dahil sa lahat ng paghihirap ng inang bayan ay magbubunga sa realisasyong makatutulong magmamulat sa atin sa katotohan.
Sa unang linya ng huling saknong, dito makikita ang paglipat ng emosyon ng persona.
“May araw ding di na luha sa mata mong namumugto
Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,”
Sinasabi ritong titigil din tayo sa pag-iyak. Lahat ng lungkot at sakit ay magiging galit at gigil. Hindi na natin kailangang magtimpi. Ang lahat ay makararamdam ng gutom para sa kalayaan at hustisyast ito ang maghuhudyot sa mga Pilipino upang lumaban.
Mapapansin na ang ilang mga linya sa bawat saknong ay may mga biglaang pagpuputol at hinto. Ito ay nakadadagdag sa paghahatid ng mensahe ng tula pagkat nakatutulong ang mga hintong ito upang magbigyang diin ang ilang bahagi ng tula. Ramdam na ramdam ng mambabasa na nais ng persona na tumatak sa atin ang mensaheng kanyang nais ipahiwatig dahil sa mga pagputol ng linya.
“Ang kawawang kapalaran ng lupain mong kawawa:”
“Ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,”
“Katulad mo ay si Huli, naaliping bayad-utang,
Katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;”“Masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
Masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!”“Ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
Ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;”
Sa mga bahaging ito ay nag-uulit ang manunulat ng ilang mga salita. Ito ay naging daan upang mapaganda at maging madulas sa dila ang daloy ng pagbasa tula. Napagaganda nito ang ritmo ng tula habang binabasa.
Ang tugma naman ng bawat saknong sa tula ay naiiba. Marahil ang paraan ng pagkasulat ng tula ay sa paraan ng pakikipag-usap. Naging mas tunog natural ang tula at mas ramdam ang emosyong dala nito.
Ang tulang ito ay nakapagparanas sa akin ng samutsaring emosyon. Nakaramdan ako ng lungkot, gigil, poot, pagkamuhi at kaunting nais upang maghiganti. Higit sa lahat, naiparamdam ng tulang ito na kailangan natin kumilos at lumaban. Maaring ang tagpuan ng tulang ito ay sa ating nakaraan ngunit sa panahon natin ngayon ay may mga pangyayari sa ating bansa na may pagkatulad sa mga pangyayari noon. Sa pagbasa ko nito ay nagbigyan din ako ng pag-asa. Pag-asa na balang araw ay mamumulat ang lahat sa kalagayan ng ating bansa at ito ang magiging tulay upang tayo ay maging tunay na malaya.