Online Journal 4: Pagsusuri sa ‘Walang Kalabaw sa Cubao’ ni Acosta at ‘The Gods We Worship Live Next Door’ ni Santos

Anna Daniella Ramirez
4 min readNov 13, 2020

--

Ang dalawang tula ay gumamit ng sentral na metapora na matatagpuan sa kanilang titulo. Sa unang tulang “Walang Kalabaw sa Cubao”, ang sentral na metapora nito ay ang kalabaw samantalang sa ikalawang tulang “The Gods We Worship Live Next Door”, ang sentral na metapora nito ay ang mga gods o diyos.

Sa unang tula, ginamit ng may akda ang kalabaw sa Cubao upang kumatawan sa kung ano ang pamamaraan ng buhay sa syudad. Karaniwang sinisimbolo ng kalabaw ang katangian ng mga Pilipino na pagiging masipag o kaya naman ay ang pagiging banat sa trabaho. Kadalasang maririnig ang idyomang “kayod-kalabaw”, na ang ibig sabihin ay magsipag at magtrabaho ng sobra-sobra. Kakatwa ang paggamit na ito ng may akda bilang sentro sa tula at dagdag pa rito na inilagay niya ito sa syudad sapagkat hindi naman ito kadalasang natatagpuan doon.

Malikhain ang pagtatalakay ng may akda sa mga pangyayaring kumakatawan sa buhay sa siyudad at kapag ito ay binasa, parang dinadala ang mambabasa sa kalagitnaan ng kung saan naganap ang mga inilahad na pangyayari sa tula.

“Mga bastardong anak Nina Aurora’t Epifanio

Na ang langibang pusod

Ay kakabit pa rin Ng matris ng estero;”

Makikita rito ang masalimuot na buhay ng pagiging sadlak sa kahirapan na minsan dala ang prostitusyon at pagkalulong sa droga sa batang edad.

“At nang ‘di malimot

Ang inalmusal na rugby sa may 7–11

Ang tinanghaliang bilog

At idlip sa gilid ng Tiririt

Ang hinapunang jakol Sa CR ng Ali-Mall”

Ramdam din ang kahirapang kasabay ng hindi mabilang na pagtitiis ng mga tao para lamang patuloy na mabuhay. Lahat ay kanilang gagawin kahit magbenta ng sariling laman habang pinipilit limutin ang mga alaalang dala nito sa pamamagitan ng pagsimsim ng rugby. Ito ang buhay ng isang mahirap. Isang kahig, isang tuka. Magdasal at manalig man, ang buhay ng isang dukha ay patuloy paring mahirap.

Sa huling bahagi ng tula, ang mga mahihirap ay inihalintulad sa isang langaw na maituturing na nakaiirita at maaaring naising patayin sapagkat ang mga langaw ay itinuturing na madumi at iniuugnay sa basura at mga bagay na nabubulok. Ito ang mga taong inilarawan ang buhay sa tula. Sa lipunang ating ginagalawan, tila hindi napapansin ang pagkawala ng mga taong itinuturing na salot sa lipunan. Sila ang mga taong sa tingin ng iba ay hindi naman nakaaambag sa kahit na ano.

Sa ikalawang tula, ipinakitang ang kabalintunaan sa mga katangian ng pagka-diyos. Inilarawan ng may akda ang mga katangian ng mga diyos na kung titingnan ay pawang pang-ordinaryong tao lamang. Hinabi niya ang metapora na ang diyos na dapat ay may kapangyarihan sa lahat ay nag-aasal tao, nagkakasakit, at namamatay. Naiiba ito sa ideyang ang mga diyos ay dapat imortal at walang kahinaan.

“The gods we worship live next door. They’re brown

and how easily they catch cold sneezing

too late into their sleeves and brandishing

their arms in air. Fear grips us when they frown

as they walk past our grim deformities

dragging with them the secret scent of love

bought by the ounce from gilded shops above

the rotunda of the bright cities.”

Kung iisipin ay kakaiba ang ideyang ang nandito ang mga diyos sa lupa at na maaaring kapitbahay sila. Kumakatawan ito sa uring mayaman na mga taong nakaaangat sa buhay, iniidolo, kinaiinggitan, at kinatatakutan ng mga mahihirap. Dahil sa angking antas sa lipunan ay inilagay sila sa pedestal at sinasamba na parang mga diyos.

Naging epektibo ang paglalahad at pagpaparating ng mensahe ng dalawang tula kahit magkaiba ang paraan at istilo na kanilang ginamit. Ang unang tula ay detalyado, kakikitaan ng pagkamakatotohanan, at hindi ito gumamit ng sugar coating. Nakatulong ito upang tumatak sa isip at damdamin ng mambabasa ang bawat bahagi ng tula. Mayroon itong organikong pagkakaisa sapagkat malinaw ang mga paghahalintulad na ginamit sa bawat taludtod. Sa ikalawang tula ay gumamit ang may akda ng contrast. Ang tula ay kalmado, maiksi, at madaling basahin pero malalim. Sa unang tingin ay parang madaling intindihin ngunit kinailangan basahin paulit-ulit at himaying mabuti dahil ang kahulugan nito ay maingat na itinago sa mga salita. Nagtataglay ito ng organikong pagkakaisa at makikita ito sa paraan ng paglalarawan ng manunulat sa bawat katangiang taglay ng mga diyos sa tula.

Ipinakita ng dalawang tula ang mga hirap at pighati sa buhay pati na rin kung anong uri ng lipunan ang ating ginagalawan. Ang “Walang Kalabaw sa Cubao” ay nagpakita ng kahirapan at mga trahedya. Umaapela ito sa sensibilidad at emosyon ng mambabasa sapagkat ipinakita nito ang katotohanan ng buhay. Ang “The Gods We Worship Live Next Door” naman ay nagpakita na ang ating mga iniidolo ay hindi mga diyos, sila ay mga ordinaryong tao na ating nakasasalumuha sa araw-araw. Inihayag nito kung paano patuloy na inaabuso at dinisikrimina ng nasa itaas ang mga nasa ibaba. Ito ang katotohanan. Magsisilbi itong paalala sa reyalidad ng buhay at hindi ito dapat kinalilimutan

--

--

Anna Daniella Ramirez

Hinding-hindi magpapasakal sa boses ng isipan.