Pagsusuri — Bob Ong at RJ Ledesma

Anna Daniella Ramirez
2 min readJun 29, 2021

--

Tayong mga Pilipino ay kilala sa ating pagiging masayahin at sa ating hilig sa paggamit ng humor sa araw-araw. Ang komedya ay kawili-wili sa pagkat nakapagbibigay ito ng ligaya at pagkakataon upang panandaliang makalimot sa realidad at mga hirap na kasama nito. Sina Bob Ong at RJ Ledesma ay parehong kilalang manunulat ng komedya. Ang “Stainless Longganisa” ni Bob Ong at “I Do or I Die” ni RJ Ledesma ay parehong gumamit ng first person point of view na naging daan upang maiparamdam sa mambabasa ang pagiging personal ng kanilang mga akda.

Ang akda ni Bob Ong na “Stainless Longganisa” ay koleksiyon ng samu’t saring paksang sinimulan niya sa bolpen, at mula rito ay lumalim pa nang lumalim sa kung ano-anong paksa tulad ng wika, literatura, ang manunulat, pangalan, at iba pa. Noong sinumulan ko ang ng aking pagbasa sa bahagi ng akda na itinalaga sa amin upang basahin ay hindi ako makasunod. May pagkakaroon ng salit-salitan ang paraan ng pagkakalahad ng kuwento pati ng humor na ginamit ni Bob Ong sa kanyang akda. Kalaunan ay nakasunod din ako sa daloy ng ideya ni Bob Ong. Nakatulong ang gamit ng humor upang maging mas simple at mabilis maunawaan ang nais ipahiwatig ng manunulat sa kanyang akda.

Natuwa naman ako ng sobra sa “I Do or I Die” ni RJ Ledesma hindi dahil nakarerelate ako at alam ko na ang pakiramdam ng mga nangyari sa kanya kundi dahil nakikita ko rin ang sarili ko sa lugar niya. Dinala ni RJ Ledesma ang kanyang mambabasa sa mismong karanasan niya tungo sa pag-aasawa na nagsimula sa panliligaw hanggang sa “engagement”, pamamanhikan at sa mismong kasalan. Ipinakita niya ang buong proseso at paghahanda na kanyang naransan. Ito ay naging rason kung bakit kapag binasa ito ng mambabasa ay nagbibigay ito ng pakiramdam na naroon ka habang nagaganap ang mga pangyayari. Natural ang daloy ng kaisipan pati na rin ang humor na dala ng kwento kaya sa aking pagbasa ng akda ay nakikita ko ang mga ganap sa aking isip.

Naiiba ang structure pati narin ang paraan at paghabi ng pagpasok ng humor ng dalawang manunulat. Ang “Stainless Longganisa” ay ginamitan ng stream of consciousness habang ang “I Do or I Die” naman ay parallel ang istraktura. May pagkakaroon ng salitan at patalon-talon ang paraan ng pagkukuwento ni Bob Ong at si RJ Ledesma naman ay nakatutok lang sa isang paksa. Magkaiba man ang paraan ng paglalahad ng dalawang manunulat ay pareho namang kawili-wiling basahin ang kanilang mga akda. Ang kanilang mga mga sulat ay hindi lang nagbibigay saya sa mga mambabasa nito, ito rin ay nagpapakita ng pahapyaw sa kanilang indibidwalidad at personalidad na nakatutulong upang mas makilala natin sila.

--

--

Anna Daniella Ramirez

Hinding-hindi magpapasakal sa boses ng isipan.